'Ate Girl', alay ang bawat sayaw sa kanyang ama

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 11:52 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- Hindi suportado noong una ng mga magulang ni Jackque Gonzaga ang kanyang hilig sa pagsasayaw.

Bunso at nag-iisang babae sa anim na anak nina Florencio at Luisa Gonzaga, si Jackque ay isa sa mga dancer ng "It's Showtime" na mas kilala na ngayon bilang Ate Girl.

Sa "Rated K" nitong Linggo, itinampok ang buhay ni Jackque at ang naging pagsisimula niya sa "It's Showtime."

Kahit suportado ng kanyang pamilya ang hilig sa pagsasayaw, noong una ay hindi ito naging madali para sa kanyang ina at amang si Florencio na isang musikero sa barko.

"Noong naka-graduate na siya at nagpaalam na siya na gusto niyang magsayaw, sabi ko nag-aral ka pa tapos magsasayaw ka lang pala. 'Yung daddy niya sinabi eh bakit pinayagan ko raw. Noong nakita namin na masaya siya, eh wala na kaming nagawa kung hindi suportahan siya kung saan siya masaya," ani mommy Luisa.

Sa buong buhay ni Jackque, isang beses lang sa isang taon kung umuwi at makasama niya ang kanyang ama.

At dahil hindi sila laging nagkikita, bawat sayaw ni Jackque ay alay niya para sa kanyang ama.

Taong 2015, matapos makapagtapos ng kursong International Studies, nag-audition at nakapasok si Jackque bilang isa sa mga mananayaw ng "It's Showtime."

Mas nakilala siya bilang Ate Girl sa segment ng "Miss Q&A" dahil sa kulitan nila ni Vice Ganda na kunwariang pagkakamabutihan.

Noong nakaraang Linggo, kinilig ang mga manonood sa naging pagkikita ni Vice Ganda at ina ni Jackque. Biro pa ni Vice, ang ama na lang ni Jackque ang kanyang kailangang harapin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.