Whitney Tyson, balik-telebisyon sa tulong ni Coco

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 12:13 PM

MANILA -- Isang pangarap na natupad ang nangyari sa komedyanteng si Whitney Tyson matapos mabalitan na nais niyang magbalik sa pelikula at telebisyon.

Bonnie Fowler sa totoong buhay, ang komedyante na sumikat noong dekada '90 ay naitatawid ang buhay sa pagpapatawa sa mga piyesta at pagkanta sa mga karaoke bar.

Sa panayam niya sa "Rated K," inamin niya na nais niyang muling mabigyan ng pagkakataong makabalik sa telebisyon o pelikula.

Halos dali-dalian ay natupad ang kanyang hiling. Isa si Whitney sa nabigyang tulong ng aktor na si Coco Martin na bida ng sikat na seryeng "FPJ's Ang Probinsyano."

Sa Instagram, pinasalamatan ng isa rin sa naging parte ng serye na si Angeline Quinto si Coco sa pagtulong nito kay Whitney.

"Napanood ko lang ang interview ni Ate Whitney Tyson nung isang linggo, madalas daw nasa mga fiesta siya rumaraket. Sabi ko sa sarili ko sana mabigyan ulit siya ng pagkakataon na makapagpasaya ng mas maraming tao, nakakatawa din talaga siya sa mga nagawa niyang pelikula. Tapos nakita ko ito ngayon, Maraming salamat Cocs, napakarami mong natutulungan," ani Angeline.

Sa teaser na inilabas ng Dreamscape, ipinakilala ang mga bagong karakter ng serye kung saan kasama si Whitney.

 

A post shared by Dreamscape PH (@dreamscapeph) on

Maliban kay Whitney, makakasama rin sa "Ang Probinsyano" sina Carlo Mendoza, Lala Vinzon, Mel Feliciano, Ghersie Fantastico, Joross Gamboa, Nonong Ballinan at Joven Olvido Cariaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.