'Miss Q and A' grand winner Juliana, sinorpresa ng inspirasyong beauty queen

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2018 11:30 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- Sinorpresa ni Miss Universe 2013 third runner-up Ariella Arida ang nanalong "Miss Q & A" grand winner na si Juliana Parizcova Segovia.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, hindi makapaniwala si Juliana sa muling pagkikita nila ni Ariella na nakasama niya noon sa isang pelikula at sa "It's Showtime."

"Nakakaloka, totoong reyna ang kaharap ko ngayon, katabi ko. Actually nagkasama po kami sa 'The Revenger Squad' at sa isang production number sa 'Showtime.' Nakakatuwa," ani Juliana na ibinahagi ang koneksyon ni Ariella sa kanyang buhay bilang isang kontesera.

"Dati ginagaya ko rin ang pangalan niya sa mga Miss Gay. Hindi ba sa Miss Universe, ano lang siya, 'yung straight hair na ganyan. So naggaganoon ako," ani Juliana.

Ayon naman kay Ariella, hindi niya makakalimutan ang sayang naibibigay ni Juliana noong sila ay nagkasama.

"Actually noong una tahimik lang siya, mas maingay si Elsa. Pero nakakatuwa sila nung magkakasama na silang tatlo, kapag pinagmamasdan mo ang gulo-gulo nila sa set. Nakakatawa, nakaka-good vibes. At saka 'yung prod number namin ay mahinhin pa sila sa amin," pagbabalik-tanaw ni Ariella na una nang nagpahayag ng kasiyahan sa pagkapanalo ni Juliana sa "Miss Q & A."

"Yung farewell speech niya pa lang, kinompare ko na 'yung speech mo sa dalawa mong kasama, doon ako namangha sa iyo. Hindi siya normal na speech, alam mo 'yung parang tula, magkaka-rhyme sa dulo. Sabi ko 'ang galing naman nito.' Tapos 'yung mga word ay coming from the heart. So sabi ko 'ay siya na talaga ito,'" ani Ariella na kinikilala bilang "Pambansang Mars" ng LGBTQ+.

Dagdag ni Ariella, isang tunay na inspirasyon si Juliana sa lahat ng mga nais na maging beauty queen.

"It's not about beauty, physical; ang mahalaga ay beauty inside. At siyempre napatunayan ni Juliana na mamahalin ka ng tao hindi lang sa physical mo kung hindi sa naishi-share mo, 'yung wit mo, 'yung talino mo," ani Ariella.

Nagpasalamat naman si Juliana kay Ariella na isa sa kanyang mga inspirasyon at tinitingalang beauty queen.

"Naging inspirasyon ka at kayong mga totoong beauty queens sa aming mga beki na walang malaki o maliit na pangarap ang hindi kayang tuparin basta may pagpupursige," ani Juliana.

Isang pagkilala

Samantala, naging emosyonal naman si Juliana sa parangal na ibinigay sa kanya ng Ladlad party-list sa kanyang kontribusyon sa LGBTQ+.

"Walang hanggang pasasalamat po talaga. Sobra-sobra na 'yung nakukuha ko ngayon na higit pa sa idinarasal ko. Simple lang ang pangarap ko na magkaroon kami ng bahay ng nanay ko. Pero ngayon ay LGBTQ ay kinikilala na ako dahil sa nangyari sa 'Miss Q & A,'" ani Juliana.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.