Kumander ng presinto tumakas umano sa inspeksyon, sinibak sa puwesto

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 08:18 AM

MANILA - Tinanggal sa puwesto ang kumander ng isang police station sa Pasay matapos umanong takasan ang surpresang inspeksyon ngayong ngayong Lunes.

Nadatnan ng hepe ng National Capital Region Police Office na si Chief Supt. Guillermo Eleazar na nakakandado ang opisina ni Chief Insp. Allan Estrada, pinuno ng police community precinct 1 sa CCP complex.

Halos 30 minuto ang inabot bago sinabi ng mga tauhan ni Estrada na may backdoor ang kaniyang opisina.

Nang makapasok, malamig-lamig pa ang kuwarto dahil sa air conditioner, senyales na may tao roon nang kumakatok si Eleazar. May pinaghubaran din na shorts sa kama, habang naiwan din ang wallet at mga baril ni Estrada.

"There is something wrong. Hindi naman problema ang commander or deputy na tulog, 'di nakabihis... Malamig pa sa kuwarto. We can conclude, baka may tinatago. There could be reasons," ani Eleazar.

Dahil dito, sinibak ni Eleazar sa puwesto ang station commander at pinaimbestigahan ang mga tauhang sinubakan umano itong pagtakpan.

Sinubukan ng ABS-CBN News na tawagan si Estrada pero patay ang kanyang cellphone.

Sa Maynila naman, halos 30 minuto ring kinatok ni Eleazar ang pintuan ng Punta precinct. Nadatnan niya roon ang mga pupungas-pungas na pulis at ang mga basurang nagkalat sa mga mesa.

Nagmamadali namang nag-uniporme ang isang pulis sa Sta. Ana station, pero lahat naman ng iba nitong kasamahan ay gising at naka-alerto.

Kumpleto naman hanggang sa sumbrero ang suot ng mga naka-duty na pulis sa Kalentong precinct, pero sinita sila dahil sa mga kalat tulad ng upos ng sigarilyo sa loob ng presinto.

Nadatanan naman ni Eleazar na gising at nakauniporme ang mga pulis sa Labores, Malate at Sta. Mesa stations.

Inaasahang una pa lang ito sa serye ng mga surprise inspections na ikakasa niya sa buong rehiyon.

Ulat nina Ernie Manio at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.