Mga Pinoy sa Malaysia, makakabili ng discounted tickets sa laban ni Pacquiao vs Matthysse

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2018 11:54 AM

Retrato ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

KUALA LUMPUR -- Aabot sa 50% ang diskuwentong maaaring matanggap ng isang Pilipinong nasa Malaysia ngayon kung nanaisin nitong bumili ng tiket para sa nalalapit na paghaharap ni Senador Manny Pacquiao at Lucas Matthysse sa boxing ring. 

Kinumpirma ni Philippine Ambassador to Malaysia Charles Jose nitong Martes ang pagbebenta ng mga tiket sa mas mababang presyo sa ilang Pilipinong manonood mismo ng laban ng Pacman sa Linggo sa Axatia Stadium. 

Ayon sa kay Jose, ang mga tiket na mabibili sa mas mababang halaga ay kaloob ng management ni Pacquiao upang gawing mas magaan para sa mga Pilipino lalong lalo na ang mga OFW ang gastusin sa bakbakan. 

Sinabi ni Jose na matapos malaman ng embahada ng bansa ang discounted tickets sale, pinili na rin nilang tumulong na ipakalat ito sa pamamagitan ng mga volunteer groups na mga Pinoy.

"Recently lang nagbenta ng tickets. When they decided to lower the price, tumulong na rin ang embassy para sa information dissemination para sabihin nga na bumaba ang presyo," ani Jose. 

Naglalaro sa P6,500 hanggang P260,000 ang halaga ng isang tiket sa Pacquiao-Matthysse fight kung bibilhin ito sa regular price. 

Ngunit sa discounted price, ang P6,500 o nasa 488 Malaysian Ringgit (RM) ay bababa sa P3,300 o RM 250. 

Natuwa naman aniya ang mga Pilipino sa pangyayari at excited na makita ang Pambansang Kamao na muling tumuntong sa boxing ring. 

"Speaking in behalf of the Filipinos here in Malaysia, lahat ng mg Pilipino equally excited na makita si Sen. Pacquaio live in action," dagdaga ni Jose. 

Umaasa rin ito na mapupuno ng mga Pilipino ang stadium na pagdadausan ng laban at kayang maglaman ng 15,000 katao. 

Sa kasalukuyan, mayroong halos 120,000 na Pilipino ang legal na nasa Malaysia. Para sa mga nais bumili ng tiket, maari umanong pumunta sa embassy ng bansa sa Kuala Lumpur. 

Para sa ibang mga balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.